Friday, September 24, 2010

Ganito pala...

*originally written May 15, 2010*

Ngayon alam ko na ang pakiramdam nila, yung mga kaibigan at pamilya ko dati. Noon, inuna ko ang tigas ng ulo. Pinagkamalang pag-ibig ang libog. Pinanindigan ang isang labang wala namang saysay. Pinagpalit ang isang tunay na kaibigan para sa isang batong nagpapanggap na tao. Naggugol ng napakaraming oras, emosyon at pagod para sa... sa... saan nga ba?

Buti, nagising naman ako. Naisip kong hindi ako isang parte lang ng katawan na gagamit-gamitin. Natakot ako na pag lumaki na ang anak ko at magkamalay, isampal nya sa akin ang pagiging mababa at tanga kong babae. Ganito ba ang gusto kong kalabasan niya? Na matapos ko siyang palakihin at alagaan, isang lalaki lang ang gagago at sisira sa kanya? Syempre hindi.

Pinagsabihan nila ako, paulit-ulit hanggang nagsawa na lang sila. Siguro, naisip nila na din na ako yung tipo na kailangan masaktan bago matuto. Kailangang madapa para bumangon. Kailangan gaguhin para makita ang sariling kagagahan.

Ang hirap pala nun. Yung pagmasdan mo ang kaibigan mong harapang sinasaktan, tinatarantado sa maraming tao. Yung alam mong isa syang edukadang babae, kumikita ng sariling pera, may itsura at napalaki ng maayos ng magulang, tapos itatapon lang yun lahat dahil sa takot niyang maging mag-isa.

Hindi lang siya ang lalaki sa mundo, sabi nila dati. Marami pang darating na mas tatrato sayo ng nararapat sayo. Yung papasayahin ka ng hindi mo siya kailangan ibili ng mga materyal na bagay. Yung irerespeto ka kahit ano pa yung nakaraan mo at hindi ito isusumbat sayo mo pag nagtatalo kayo. Yung hahanap-hanapin ka dahil gusto ka niyang lagi kasama, at hindi lang dahil nangangati siya sa kama.

Syempre noon, hindi ko nakita yun. Para sigurong ikaw ngayon. Pero yun nga lang, namulat na din ako. Ikaw kaya, kailan?

Minsan, hindi ko na alam kung -bilang isang tunay na kaibigan - hanggang saan lang ako lulugar sa buhay niya. Tama ba na pagsabihan ko siya? Tama bang bawalan ko siyang makipagkita o makipagkaibigan sa kanya? Panghihimasok na ba yung sabihin ko yung mga hindi magandang bagay na naririnig kong kumakalat tungkol sa kanya, sa kagustuhan kong ipamukha kung anong klase talaga siyang lalaki, para matauhan ang kaibigan ko? O tama lang na hayaan ko siyang pumili, masaktan, at matuto ng kanya lang?

Parang ang sarap nyang hablutin bigla, sigawan at pagalitan. Ang tanga-tanga mo, gusto ko sabihin. Inis na inis na ko kasi hindi ko alam kong nagbubulag-bulagan lang siya o tanga lang talaga.

Siguro, dahil naranasan ko din ang nararanasan nya kaya ayoko nang pagdaanan nya yun. Tama na yung isang beses. Pwede naman magpatawad ng hindi nalilimutan kung ano yung ginawa niya. Walang masama kaibiganin siya basta hindi na siya umaasang may magbabalik sa kanilang dalawa.

Alam mong mahal kita kaya ko sinasabi to.

Sabi nga nila, wag nang ikaw mismo ang humanap ng batong ipupukpok sa ulo mo. Kung gusto mong irespeto ka niya, irespeto mo muna ang sarili mo. Hindi ka makakahanap ng lalaking totoong magmamahal saiyo kung ikaw mismo, hindi mo kayang mahalin ang sarili mo. Kung ganyan ka lang ng ganyan, nagpapa-apak sa mga lalaking katulad nya, ganyan at ganyan din ang mga lalaking dadating sayo. Kahit hindi siya, may iba pang yuyurak sayo hanggat pumapayag ka. Kailan mo sasabihin na tama na? Kailan mo uunahin yung sarili mo?

Wag ka matakot tumanda magisa. Huwag kang magtiyaga sa kanya kasi iniisip mo wala ka ng mahahanap na iba. Natatakot ka kasi na baka hindi ka na magkaasawa, na hindi ka na magkakaanak. Huwag mo ipako ang kinabukasan mo sa isang taong ang isip ay nakatuon lang sa ngayon, sa sarili niya. Dahil kung ipipilit mo ang sarili mo sa ganyang klase ng tao at sitwasyon, habang buhay kang tutungo sa gusto ng ibang tao, at hindi mo mararanasan kung pano paligayan ang sarili mo.

Ngayon sabihin mo kung ako na ang sumosobra kasi titigil na ko.

No comments:

Post a Comment